Pumalo na sa P1.17 billion ang halaga ng pinsalang iniwan ng malawakang pagbaha sa malaking bahagi ng bansa, batay sa huling assessment ng Department of Agriculture.
Ito ay binubuo ng mga pinsala sa mga palayan, maisan, high value crops, irrigation facilities, aquaculture projects, at bpa.
Umaabot rin sa 40,904 na magsasaka at mga mangingisda ang apektado habang ang production loss ay pumalo na sa 18,086 metriko tonelada.
Batay sa unang assessment ng ahensiya, pumalo na sa 42,708 ektarya ng mga tanimang naapektuhan.
Ang naturang datos ay nagmula sa DA Regional Field Offices (RFOs) sa Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Bicol, Western and Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, Soccsksargen at Caraga regions,
Tuloy-tuloy naman ang ginagawang validation ng ahenisya sa hawak na datos kayat posibleng may mga pagbabago pa rito sa mga susunod na araw.
Sa kasalukuyan, nananatiling available ang libo-libong sako ng mga binhi ng palay, mais, at mga high value crops na nakahandang ipamahagi sa mga biktimang magsasaka.
Nakahanda rin ang mga fingerlings o mga binhing isda para sa mga mangingisdang naapektuhan ng magkakasunod na kalamidad.