Hindi pa rin naibabalik ang normal na power service sa probinsya ng Batanes, ilang araw matapos ang pananalasa ng Super Typhoon Julian.
Batay sa datos ng National Electrification Administration (NEA) Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD), nananatiling walang access ang ilang mga bayan tulad ng Ivana at Uyugan, habang nakakaranas naman ng ilang serye ng power interruption ang ilang lugar.
Sa ibang mga lugar, partial power service pa lamang ang naibabalik, tulad sa mga bayan ng Basco, Sabtang, at Mahatao.
Sa kasalukuyan, tanging sa bayan ng Itbayat pa lamang ang naibabalik sa normal na operasyon.
Batay sa datus ng NEA, umabot na sa P20.5 million ang halaga ng pinsalang iniwan ng naturang bagyo sa power sector, batay na rin sa inisyal na report na inilabas ng mga electric cooperative.
Sa Batanes EC, malaking bahagi ng power infrastracture nito ang nasira at pahirapan ang pagbabalik sa power service. Gayunpaman, una nang nagpadala ang NEA ng isang grupo na binubuo ng mga linemen at engineer upang tumulong sa pagpapanumbalik sa mga nasirang pasilidad at linya ng kuryente.