Lalo pang lumobo ang halaga ng pinsalang iniwan ng Super Typhoon Julian sa sektor ng pagsasaka.
Batay sa pinakahuling datus na inilabas ng Department of Agriculture – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, umabot na sa P551.81 million ang halaga ng danyos na inabot ng agri sector ng bansa.
Umabot na rin sa kabuuang 29,734 na magsasaka ang apektado habang 15,296 ektarya ng mga sakahan ang nasira. Ito ay tinatayang aabot sa 22,623 metrikong tonelada ng mga agri products na nasira.
Kabilang sa mga industriyang nakapagtala ng pinsala ay ang rice industry, mais, high value crops, livestock, poultry, at fisheries.
Maraming mga irrigation facilities din ang napinsala at ilan dito ay pansamantalang hindi magagamit.
Inaasahang magbabago pa ang naturang datos kasabay ng tuluy-tuloy na assessment na ginagawa ng mga field personnel ng DA sa mga lugar na dinaanan ng naturang bagyo.