Lumobo na sa P9.81 billion ang pinagsamang halaga ng pinsalang iniwan ng Severe Tropical Storm (STS) ‘Kristine’ at Super Typhoon (ST) ‘Leon’ sa sektor ng pagsasaka.
Batay sa updated report ng DA – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center, naapektuhan ng dalawang bagyo ang mga rehiyon ng Cordillera Administrative Region (CAR), Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, MIMAROPA, Bicol Region, Western, Central, and Eastern Visayas, Zamboanga Peninsula, SOCCSKSARGEN at Caraga Region.
Umabot na rin sa 233,923 magsasaka at mga mangingisda ang natukoy na naapektuhan.
Sa production loss, umabot na sa 380,704 metriko tonelada ng mga agricultural products ang nasira mula sa 183,877 ektarya ng mga sakahan.
Ang mga palayan ang natukoy bilang pinaka-naapektuhan sa dalawang magkasunod na bagyo kung saan tinatayang aabot sa P5.89 billion ang natamong halaga ng pinsala.
Ito ay katumbas ng 1.60% na pagkalugi sa annual target production ng bansa.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang ginagawang assessment, daan upang mabago pa ang mga naturang datos habang nagiging pahirapan din ang validation sa pinsalang dulot ng bagyong ‘Leon’ dahil na rin sa kasalukuyang masungit na panahon sa Northern Luzon.