Pumalo na sa P6.83 billion ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa sektor ng pagsasaka.
Ito ay batay sa updated report ng Department of Agriculture – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (DRRMO).
Lumobo rin sa 171,080 ang bilang ng mga magsasaka at mangingisdang naapektuhan sa pananalasa ng naturang bagyo mula sa 143,000, dalawang araw na ang nakakalipas.
Umabot na rin sa 317,316 metriko tonelada ang natukoy na production loss mula sa 141,971 ektarya ng mga sakahan na naapektuhan.
Nananatili pa ring pinaka-apektado ang rice industry na nagtamo na ng kabuuang P5.05 billion na pinsala habang ang nalalabi ay pinaghati-hatian na ng mga industriya ng mais, fisheries, poultry, at iba pa.
Sa kasalukuyan, wala pang datos ukol sa pinsalang iniwan ng Super Typhoon Leon sa sektor ng pagsasaka.
Ayon sa DA, hindi pa rin kaaya-aya ang weather situation sa mga lugar na naapektuhan ng naturang bagyo para sa pagsasagawa ng field validation.