Pumalo na sa kabuuang P12,155,568.62 ang natukoy na halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa power sector.
Ito ay batay sa pinakahuling assessment at validation ng National Electrification Administration (NEA) – Disaster Risk Reduction and Management Department (DRRMD).
Ang mga ito ay mula pa lamang sa partial report ng ilang mga electric cooperative na kinabibilangan ng QUIRELCO, ABRECO, BENECO, NEECO II-Area 1, MARELCO, TIELCO, FICELCO, AKELCO, NONECO, SAMELCO 1 and LEYECO 5.
Hanggang kahapon, tatlong mga EC ang patuloy na nagsasagawa ng malawakang restoration operation upang maibalik ang maayos na suplay ng kuryente sa mga konsyumer: Pangasinan I Electric Cooperative (Panelco I), Batangas 1 Electric Cooperative, Inc., at Camarines Sur I Electric Cooperative, Inc.
Batay pa rin sa report ng NEA, mayroon pang 45 EC na nakakaranas ng partial power interruption.
Naibalik na rin sa normal operations ang ibang mga EC na may saklaw sa kabuuang 515 munisipalidad na naapektuhan sa pananalasa ng bagyo.
Umabot sa 12 rehiyon sa buong bansa ang nakaranas ng problema sa suplay ng kuryente kasabay ng pananalasa ng bagyong Kristine.