-- Advertisements --

Lalo pang lumobo ang halaga ng pinsalang iniwan ng bagyong Kristine sa sektor ng pagsasaka.

Batay sa huling report na inilabas ng Department of Agriculture – Disaster Risk Reduction and Management Operations Center kaninang hapon (Nov. 2), pumapalo na sa P5.75 billion ang halaga ng pinsala sa iba’t-ibang industriya tulad ng palay, mais, high value crops, palaisdaan, poultry, makinarya, at mga agricultural infrastracture.

Apektado rito ang kabuuang 131,661 magsasaka at mga mangingisda, habang kabuuang 109,871 ektarya ng mga taniman at palaisdaan ang naapektuhan.

Pumalo na rin sa 557,851 metriko tonelada ng mga agri products ang natukoy na nasira.

Mula sa mahigit P5.7 billion na halaga ng pinsala, ang palay ang natukoy na may pinakamalaking danyos na pumapalo sa P4.25 billion. Sinundan ito ng mais na may pinsalang aabot sa P72.15 million. Ang nalalabing halaga ay naitala sa iba pang industriya.

Inaasahan pa ring magbabago ang naturang datus dahil sa nagpapatuloy na assessment at validation sa mga lugar na napinsala sa pagdaan ng bagyo.