-- Advertisements --

Pumalo na sa mahigit P58-milyon ang halaga ng naipaabot na tulong ng pamahalaan sa mga biktima ng pag-aalburoto ng Bulkang Taal.

Sa situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nasa kabuuang P58,057,540 ang halaga ng naipadalang tulong ng gobyerno sa mga pamilyang naapektuhan ng sakuna.

Kasama na rito ang tulong mula sa Department of Social Welfare and Development (DSWD), Department of Health (DOH), Department of Education (DepEd) at local government units (LGU).

Samantala, nasa 90,533 na pamilya o 348,563 na indibidwal ang apektado sa mga lalawigan ng Batangas, Cavite, Quezon, at Laguna.

Nasa 37,445 na pamilya o 137,994 na katao ang pansamantalang naninirahan sa itinalagang 488 evacuation centers.

Sa kasalukuyan ay nananatili pa sa Alert Level 4 sa Bulkang Taal.