Inamin ngayon ni COVID-19 Chief Implementer at vaccine czar Secretary Carlito Galvez, Jr. na pinag-aaralan nila na hindi lamang isang araw gaganapin ang halalan sa susunod na taon.
Ginawa ni Galvez ang pahayag sa Kapihan sa Manila Bay, dahil na rin sa kalakalaran sa Pilipinas na isang araw lamang ang botohan at napakaraming tao na kumpol-kumpol sa mga presinto.
Ayon sa kalihim, patuloy umano ang kanilang pag-uusap ng IATF at ang Comelec kung puwedeng gawing multi-day ang halalan.
“The NTF and the Comelec are working together so that we can have a scheme that we can minimize yong tinatawag na super spreader events,” ani Sec Galvez.
Layon din nito na hindi masayang ang mga nakamit na tagumpay ng bansa sa paglaban sa COVID-19 na baka mauwi lamang sa mga super spreader events ang magaganap na botohan.
Nangyari na raw ito sa naganap na halalan sa Amerika at sa India na lalong nagpalala sa pagkalat ng virus.
Aniya, marami umanong options silang pinag-aaralan upang maibsan ang transmission ng virus sa pagboto ng mga napakaraming tao.
Inihalimbawa pa nito ang sistema na nakabatay sa geography tulad sa rehiyon ng Luzon o Visayas ay gawin ang halalan sa ibang araw.
Aminado rin naman si Sec. Galvez na kailangan ang pag-amyenda sa batas kung gagawin ng mahigit sa isang araw ang botohan.
Sa tingin ng kalihim, kaya pa naman daw maihabol sa kongreso ang naturang panukalang batas.