-- Advertisements --

Kumbinsido ang PNP SOSIA o supervisory office for security and investigation agencies na mayroong security lapses ang NS lanting security agency, na siyang security provider ng Resorts World Manila.

Ayon Kay PNP SOSIA assistant chief S/Supt. Ildebrando Usana, malinaw sa CCTV footage ng insidente na may paglabag sa hindi pagsusuot ng tamang uniporme ng mga guwardiya sa loob ng casino.

Batay sa nakitang video footage, nakasuot ng barong ang mga security guard.

Binigyang diin ni Usana, kailangan ng espesyal na permiso mula sa SOSIA ang mga guwardiya na nakasuot ng special uniform o civilian uniform habang naka-duty.
Wala rin namang ganitong pahintulot daw na kinuha sa kanila ang security agency.

Ang mga nakasibilyang guwardiya ay hindi pinahihintulutang magdala ng armas kaya marahil ang dahilan kung bakit walang nagawa ang lady guard nang lampasan ng suspek ang metal detector sa entrance ng casino na bitbit ang kaniyang mahabang armas.

Unang tutukan ng SOSIA ang mga administrative violations ng security agency na maaring naging sanhi o naka-contribute sa trahedya sa resorts world Manila.