-- Advertisements --

Isang Filipino-Korean ang pasok at kasalukuyang lumalaban sa idol survival show na Loud sa South Korea na kolaborasyon ng Korean stars at producers na sina Psy at J.Y. Park.

Napili ang 17-year-old half-Pinoy na si Youn Dongyeon, o Justin Lajo, na maging isa sa mga trainees ng JYP Entertainment.

Justin Lajo 1

Tubong Negros Occidental ang ina nito at dapatwat lumaki si Dongyeon sa South Korea ay madalas rin umano silang umuwi sa Pilipinas.

Huli itong bumisita sa bansa kasama ang kanyang pamilya noong 2018.

Sa exclusive interview ng Star FM Baguio sa pamilya ni Dongyeon, ibinahagi ng mga ito na proud sila dahil pangarap umano talaga ng binata na makapag-debut bilang isang K-Pop idol.

Proud naman ang tiyahin nito na si Cherry Lajo sa pagpasok ng pamangkin sa South Korean show.
Pag-amin nito, noong una ay nais niya lang ipagmalaki ng binata ang pagiging Pilipino ng kanyang ina.

“Dongyeon was raised by his mom with Filipino values and Filipino heritage. Noong pumasok at nag-audition siya sa Loud, ang wish ko lang talaga, na sa introduction niya, ipakilala niya lang sa buong mundo na Pinay yung nanay niya. Okay na ko dun!”

Sa unang round nga ng reality show ay ibinahagi ni Dongyeon ang kahalagahan para sa kanya ng home country ng kanyang ina, na tinawag niya ring “second home”.

“Nagbunga lahat ng struggles niya. Everytime na pinapanuod ko siya, sumisigaw ako, tumatalon, umiiyak, at full support,” kwento ng kanyang tiyahin.

Hindi rin naman makapaniwala ang ina ng aspiring idol na si Crizelia Lajo sa natatanggap na suporta ng anak lalong-lalo na mula sa mga kababayan nito sa Pilipinas.

Justin Lajo

“I’m very thankful sa lahat ng sumuporta. Sa lahat ng Filipinos na sumusuporta at patuloy na susuporta, maraming-maraming salamat.”

May imbitasyon din naman ang pamilya ng binata para suportahan at iboto ito sa naturang kompetisyon.

Magaganap ang susunod na elimination ngayong Sabado, August 28.

“I am humbly asking for more support from my kababayans all over the Philippines. Let’s do our best to make his ultimate dream come true which is to become an idol,” saad ng ina nito. “Tulungan po natin si Youn Dongyeon para maitaas natin ang banderang Pilpinas,” dagdag rin ng kanyang tiyahin.

Kung magpapatuloy pa ito hanggang sa dulo ng kompetisyon ay si Dongyeon nga ang magiging kauna-unahang Filipino K-Pop boy group member.