Umabot sa mahigit 1.58 million miyembro ng Iglesia Ni Cristo (INC) ang nagsama-sama sa isinagawang National Rally for Peace sa Quirino Grandstand.
Batay sa datus na inilabas ng Manila Public Information Office, napuno ang kabuuan ng Quirino Grandstand ng mga miyembro ng INC na pawang naka-suot ng puting damit at sigaw ang mga panawagang kapayapaan, pagkakaisa, pagtutulungan, at hindi pulitika.
Bago mag-alas 5:30 ng hapon, tuluyan ding natapos ang naturang rally at unti-unting umalis ang mga miyembro ng naturang sekta pauwi sa kani-kanilang lugar.
Batay sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Philippines, maraming mga miyembro ng INC mula sa ibang lugar ang dumayo rin sa Metro Manila upang sumama sa malawakang rally.
Marami sa mga ito ay mula sa Calabarzon Region, Central Luzon, at iba pang rehiyon malapit sa National Capital Region.
Pagkatapos ng rally, tuluyan ding nilinis ng mga miyembro ang kani-kanilang kalat.
Una nang nagpakalat ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng mahigit 1,200 personnel habang mahigit 4,400 personnel din ang idineploy ng Philippine National Police (PNP) para magbantay sa naturang rally.
Kasama rito ang dalawang urban search and rescue teams mula sa Philippine Army – 525th Engineer Combat Battalion (525th ECB).
Maliban sa kanila, mahigit 17,000 member ng Disaster Preparedness and Emergency Response of the Society of Communicators and Networkers (SCAN) din ang tumulong para matiyak ang kaayusan sa kabuuan ng rally.
Samantala, nagpaabot naman ng taos-pusong pasasalamat si Vice President Sara Duterte sa mga dumalo sa malawakang peace rally ng Iglesia Ni Cristo (INC).
Ayon sa Pangalawang Pangulo, nagpapakita ito ng pagkakaisa na ang tanging hangad lamang ay kapayapaan patungo sa kaunlaran ng bansa.
Pinuri at pinasalamatan din ng Bise Presidente ang INC sa patuloy na pagsisikap nito na maghatid ng pagkakaunawaan at pagkakaisa sa kabila ng nararanasan aniya ngayong pagtaas sa presyo ng bilihin, kahirapan at iba pang suliranin.