Nasa halos 1 billion doses ng COVID-19 vaccines ang naireserba na ng COVAX programme ng World Health Organization (WHO).
Ang nasabing mga bakuna ay ilalaan sa low-and-middle income countries.
Ayon kay WHO director-general Tedros Adhanom Ghebreyesus na aabot na sa 189 na mga bansa ang nakikibahagi sa nasabing programa.
Ang naturang programa ay pagtutulungan ng maraming bansa para makakuha ng bakuna na ipapamahagi sa mga mahihirap na bansa.
“No vaccines in history has been developed as rapidly as for #COVID19 vaccines. The scientific community has set a new standard for vaccine development. Now the international community must set a new standard for access and fair distribution #ACTogether,” ani Dr. Tedros.
Una rito, sinasabing dehadong dehado umano ang mga mahihirap na bansa kung pagbabasehan ang pagbili sa mga bakuna laban sa COVID-19.
Lumabas sa isang pag-aaral, 90 persyento umano ng mga mamamayan mula sa mahihirap na bansa ay hindi man lamang makakatikim ng bakuna sa susunod na taon.
Sinasabi kasi na ang mayayamang bansa ay ngayon pa lamang ay nakabili na ng malalaking bulto ng mga vaccine para sa susunod na taon.
Halimbawa na lamang dito ang dalawang naunang bakuna ay halos nabili na lahat ng mga higante at mayayamang mga bansa.
Tulad na lamang ng Pfizer vaccine na nabili na ang 96 percent na kanilang unang suplay habang nasa 100% naman ng Moderna vaccine ang nakuha na rin ng mayayamang mga bansa.