Inihayag ni National Capital Region Police Office director PMGEN Jose Melencio Nartatez Jr. na aabot na sa 500 pulis na kaniyang nasasakupan ang sinibak sa gitna ng nagpapatuloy na mas maigting na internal cleansing buong hanay ng kapulisan.
Aniya, ang mga ito ay inalis sa puwesto nang dahil sa pagkakasangkot sa iba’t-ibang mga iregularidad at ilegal na droga sa nakalipas na siyam na buwan.
Bukod sa mga ito ay nasa 500 pulis din na mga pulis ang pinatawan ng kaparusahan tulad ng demotion, forfeiture of pay, at suspension.
Kaugnay nito ay iniulat din ni Nartatez na Colonel ang pinakamataas na ranggo sa naturang mga naparusahan habang kabilang din sa mga ito ang nasa 16 na pulis na pawang nag positibo sa surprise drug test.
Pag-amin ni Nartatez, malaking hamon para sa kanila ang mapanatili na maganda ang imahe ng kapulisan kahit na kakaunti lamang mula sa kabuuang bilang ng mga pulis ang nasasangkot sa mga kalokohan at katiwalian.
Gayunpaman ay tiniyak niya na magpapatuloy ang ginagawa nilang mas malalimang internal cleansing sa buong hanay ng kapulisan.
Matatandaang binubuo ng nasa 22,000 na mga pulis ang NCRPO na kinabibilangan ng limang police districts — Quezon City Police District, Manila Police District, Southern Police District, Eastern Police District, at Northern Police District.