Patuloy ang paglobo ng bilang ng mga pamilya na naapektuhan sa nagdaang pananalasa ng bagyong Ulysses.
Sa datos ng NDRRMC, sumampa na sa 891,457 pamilya o nasa higit 3.67 million individuals mula sa 6,169 na baragays ang apektado.
Ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), nagmula ang nasabing bilang sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, Metro Manila, CALABARZON, MIMAROPA at Bicol.
Mula sa kabuuang bilang ng mga apektado, nasa 45,906 na pamilya o 183,644 na indibidwal ang nanunuluyan pa rin sa may 1,257 evacuation centers.
Nasa 67,391 na mga kabahayan sa mga rehiyon ng Ilocos, Cagayan Valley, Central Luzon, CALABARZON, Bicol at Cordillera kung saan ay 6,164 dito ang totally damaged habang 61,227 naman dito ang partially damaged.
Samantala, umakyat na sa higit P4.2 billion ang kabuuang halaga ng naging pinsala ng bagyo sa agrikultura habang nasa higit P6 billion ang naitalang pinsala sa sektor ng imprastraktura.