BACOLOD CITY – Nabigyan na ng food packs ang mga residente na nasiraan ng mga bahay kasunod ng pagtama ng buhawi sa Barangay Manghanoy, La Castellana, Negros Occidental.
Sa interview ng Bombo Radyo Bacolod kay La Castellana Mayor Rhumyla Nicor-Mangilimutan, anim na mga bahay ang totally-damaged at dalawa ang partially-damaged dahil sa buhawi.
Ang mga residente na apektado ang nakatira sa Sitio Old Manghanoy at Sitio Hinungaan.
Ayon kay Mangilimutan, nagpaabot ang Local Disaster Risk Reduction and Management Office ng mga food packs na pinadala ng Provincial Social Welfare and Development Office at dinagdagan pa ito ng LGU ng tig-kalahating sako ng bigas para sa bawat pamilya.
Personal din na nagtungo sa lugar ang alkalde upang ma-assess ang sira at matukoy kung ano ang tulong na maibibigay ng LGU upang muling makapagpatayo ng bahay ang mga residente.
Nagdala din ang alkalde ng panday upang ma-assess ang mga materyales na kakailanganin ng mga residente.
Ayon sa chief executive, nagbigay din ang LGU ng mga utensils kagaya ng pinggan, kutsara, tinidor at kaldero dahil nagkandasira ang mga kagamitan ng mga residente nang nilipad ng hangin ang kanilang mga bahay.
Sa interview ng Bombo Radyo sa ilang residente sa lugar, lumabas ang buhawi kasabay ng pagbuhos ng malakas na ulan at mga pagkidlat.