Walang naitalang bagong kaso ng coronavirus disease sa isinagawang citywide COVID-19 testing sa probinsya ng Wuhan, China na una nang naging sentro ng outbreak.
Bumuhos naman ang papuri sa mga opisyal ng nasabing probinsya dahil halos 10 milyong residente ang sumailalim sa 19-day drive testing na nagsimula noong May 14 hanggang June 1.
Tila nakahinga na ng maluwag ang mga tao sa Wuhan dahil sa wakas daw ay natuldukan na ang tinatamasa nilang “psychological lockdown” simula noong kumalat ang virus.
Nasa 300 asymptomatic cases naman ang kaagad na inilagay sa quarantine facilities habang 1,174 close contacts ng mga ito ang nag-negatibo sa naturang sakit ngunit kinakailangan pa ring isailalim sa isolation upang makasigurado.
Noong May 14 nang ilunsad sa Wuhan ang nucleic acid tests para sa mga taong hindi pa sumasailalim sa coronavirus test. Pangunahing layunin umano ng mga Wuhan officials na itrace ang mga aymptomatic cases at siguraduhing ligtas na para sa lahat ang unti-unting pagbangon ulit ng kanilang ekonomiya.