Umabot na umano sa halos 10-milyon ang mga mag-aaral sa basic education ang nagpatala para sa school year 2020-2021.
Sa isang Senate hearing, sinabi ni Department of Education (DepEd) Sec. Leonor Briones na ang turnout rate ng enrollment ngayon ay katumbas ng 36.26% ng projected enrollment ng kagawaran ngayong taon.
Sa kabuuang bilang, 577,695 ang nag-enroll sa kindergarten, 4.8-milyon sa elementary, 3.2-milyon sa junior high school, at 1.09-milyon sa senior high school.
Habang sa alternative learning system, nasa 73,870 na raw ang nagpatala, at nasa 27,000 estudyanteng may special needs na rin ang nag-enroll para sa school year.
“The level of enrollment already achieved, 36% of projected enrollment, shows that the parents are cooperating, local governments are cooperating, teachers are cooperating in tracking the students,” wika ni Briones.
Una rito, ipinunto ng Alliance of Concerned Teachers (ACT) Philippines na ang kalahati ng mga nagpatala hanggang Hunyo 8 ay nanggaling lamang sa Calabarzon, National Capital Region, at Central Luzon, na itinuturing na mga urbanized regions at may mas magandang access sa remote enrollment.