-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Patuloy ang panawagan ng Philippine Army sa mga miyembro ng lawless groups na sumuko na upang matapos na ang insurhensiya sa rehiyon.

Ito ay matapos ang pagsuko ng pitong kasapi ng New People’s Army sa 6th Infantry Division matapos ang isinagawang dayalogo sa lalawigan ng Sultan Kudarat.

Ayon kay 6th Infantry Division commander Major Gen. Juvymax Uy, naging matagumpay ang panunumbalik-loob ng mga rebelde sa pamahalaan dahil sa pagsusumikap ng mga LGU officials.

Nabatid na ang nasabing mga former rebels ay nag-ooperate sa kabukiran ng naturang lalawigan.

Dagdag ng opisyal, mas pinaigting pa ng 6th ID at mga lokal na opisyal ang kanilang pakikipag-ugnayan upang makumbinsi ang iba pang miyembro ng NPA na sumuko na.

Nabatid na mula noong 2017, daan-daang kasapi na ng NPA ay sumuko sa pamahalaan kung saan karamihan dito ay namumuhay nang normal.