-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Malaki ang paniniwala ng pulisya na unang dinukot ng hindi pa kilalang mga salarin ang halos 10 miyembro ng magka-anak bago pa man nakatawid sa bahagi ng Lanao del Norte mula sa lalawigan ng Zamboanga del Sur.

Ito ang inisyal na inilabas na imbestigasyon ng pulisya kung bakit at paano napadpad ang mga biktima na una umanong pinangakuan ng trabaho sa Cebu City subalit pawang mga bangkay nang natagpuan isang hukay sa Sitio Lapao,Brgy Karkum,bayan ng Sapad,Lanao Norte noong Enero 7.

Sinabi ni Sapad Police Station commander Major Alibsar Daraba na naka-posas at naka-duck tape ang mga biktima nang maiahon nila mula sa hukay kasama ang empty fired cartridges ng kalibre 45 na baril.

Una nang kinilala ang mga nasawing mag-asawa na sina Joselito at Marlyn Gaviola na residente sa syudad ng Zamboanga habang nagmula naman sa Zamboanga del Sur sina Elvi Gaviola at Epifanio Legara Jr.

Hindi rin pinalagpas at pinaslang ng mga hindi pa tukoy ng mga salarin ang mga anak ng mag-asawang Legara na sina Jomar,Epifanio Jr at Jopay Legara.

Magugunitang huling nakontak ang mga biktima ng kanilang mga pamilya habang papasakay na umano mula sa Pagadian City para dumaan sa Cagayan de Oro City patawid ng Cebu subalit liblib na lugar ang pinagtapunan sa kanila na sakop ng Lanao del Norte province.