-- Advertisements --

Aabot sa halos 100 mga barko ng China ang namataan ng Philippine Navy sa iba’t ibang bahagi ng West Philippine Sea.

Ayon kay Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea Commo. Roy Vincent Trinidad, batay sa kanilang pinakahuling monitoring mula noong Mayo 7 hanggang Mayo 13, 2024 ay papalo sa 98 ang bilang ng mga Chinese vessel ang kanilang namataan sa naturang pinag-aagawang teritoryo.

Sa datos, kinabibilangan ito ng 76 na mga barko ng Chinese Maritime Militia, 16 na mga barko ng China Coast Guard, limang People’s Liberation Army Navy ships, at isang Chinese cargo ship.

Ang mga ito ay namataan sa mga bisinidad ng Bajo de Masinloc shoal, Ayungin Shoal, PAGASA Island, Kota Island, Likas Island, Panata Island, at Patag Island.

Sabi ni Commo. Trinidad sa kabila nito ay nakitaan pa rin ng downtrend ang bilang ng mga barko China sa naturang mga lugar kung ikukumpara ito sa 105 Chinese vessels na una nang naitala ng kanilang hanay sa WPS mula noong Abril 30, 2024 hanggang Mayo 6, 2024.