Umabot sa 98 Chinese nationals ang pina-deport ng Bureau of Immigration (BI) pabalik sa China.
Ang mga ito ay pawang nahuling nagtatrabaho sa mga iligal na Philippine offshore gaming operator (POGO) companies, kasunod na rin ng mga serye ng pagsalakay ng mga law enforcement agencies.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, pinasakay ang mga ito sa isang chartered flight patungong Xi’an, China na inayos ng Chinese Embassy.
Ang koordinasyon ng BI at embahada ay bahagi ng pagnanais ng ahensiya na madaliin ang deportation sa mga dayuhang sangkot sa illegal POGO activities.
Sa kabuuan ng 2025, nagawa na ng BI na ipa-deport ang hanggang 226 dayuhang naaresto sa mga serye ng operasyong isinagawa sa ilang lugar tulad ng Parañaque, Cavite, at Pasay City.
Giit ng BI Chief, ito ay malinaw na mensahe na ang Pilipinas ay hindi magiging kanlungan ng mga masasamang elemento na sangkot sa mga iligal na aktibidad sa bansa.
Samantala, ngayong lingo ay napa-deport na rin ng BI ang sampung Vietnamese nationals na pawang nagtatrabaho sa POGO.