Aabot sa 97,560 health care workers ang makikinabang sa karagdagang P888.12 million na inilabas na pondo ng Department of Budget and Management bilang special risk allowances (SRA).
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni health undersecretary Maria Rosario Vergeire na matatanggap nila ang Special Allotment Release Order (SARO) mula sa DBM sa darating na Lunes o Setyembre 6.
Nauna nang sinabi ng DBM na naglabas ito ng P9.02 bilyon noong Hunyo bilang bahagi ng Bayanihan to Recover as One Act o Bayanihan 2, ngunit ang mga bahagi nito ay hindi nagamit at ibinalik sa Bureau of Treasury.
Naglabas din ang DBM ng P311.79 million para sa allowances ng 20,000 healthcare workers.
Dagdag pa ni Vergeire na patuloy ang mga regional offices na mag-submit ng listahan ng kanilang mga health care workers na eligible na makatanggap ng special risk allowances (SRAs).