GENERAL SANTOS CITY – Halos 100% na umano ang kondisyon ni Pinoy ring icon Manny Pacquiao bilang paghahanda sa laban nito kay Errol Spence Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, inihayag ni Lee Marinduque, founding chairman ng Manny Pacquiao for President Movement na nasa California USA ngayon, nasa maayos ang takbo ng pagsasanay ni Pacman 19 na araw bago ang laban sa American boxer.
Aniya, hindi pare-pareho ang rounds ng sparring sessions ni Manny na minsan ay umabot ng 10 rounds.
Ayon kay Marinduque, halos nasa peak na ang kondisyon ng senador ngunit iniiwasan nina Hall of Famer Coach Freddie Roach at Coach Buboy Fernandez na ma-burn out sa training.
Dagdag rin nito, sa ngayon nagpatupad ng paghihigpit sa pagpapasok sa Wild Card Gym para makaiwas sa Coronavirus Disease maging ang pagkuha ng mga videos at litrato sa training ni Manny ay ipinagbabawal rin.
Itinakda ang faceoff ng fighting senator kay Spence sa darating na Agosto 21 o Agosto 22 na sa Pilipinas.
Samantala, sinabi ni Marinduque na batay sa kasalukuyang betting odds sa Amerika liyamado umano sa ngayon si Errol Spence kontra kay Pacquaio.