-- Advertisements --

Iniulat ni PNP chief Oscar Albayalde na halos 90 percent na ng mga inarestong tambay ang pinalaya ng kapulisan.

Sinabi ni Albayalde, batay sa kanilang datos, nasa 96 na mga indibidwal na lamang ang nakakulong ngayon sa mahigit 11,000 na mga tambay na inaresto ng PNP simula nang ipatupad ito nitong buwan lamang ng Hunyo.

Ayon kay Albayalde, patunay ito na hindi nila inaaresto ang mga indibidwal na pakalat-kalat sa kalye at walang nilalabag na city ordinances.

Aniya, agad namang pinalaya ng mga pulis ang kanilang mga inaresto lalo na ang mga walang kinakaharap na kaso.

Giit ni Albayalde, uminit lamang ang isyu sa tambay matapos lumabas ang ulat na namatay sa loob ng kulungan si Genesis Argoncillo alias Tisoy na inaresto ng mga pulis.

Ipinag-utos na rin ni Albayalde sa mga pulis na huwag nang gamitin ang salitang “tambay.”