CAGAYAN DE ORO CITY – Inabutan na ng tulong at nagsimula nang umuwi ang nasa halos 100 pamilya na sapilitang lumikas dahil sa bahang dulot ng umapaw na ilog bunsod ng biglang pagbuhos ng malakas na pag-ulan sa Barangay Suarez, Iligan City.
Sa panayam ng Bombo Radyo, inihayag ni Iligan City Vice Mayor Jemar Vera Cruz, walang gaanong malaking danyos ang pagbaha na sumira sa dalawang bahay lamang na gawa sa light material nang mabagsakan ng nabuwal na mga puno ng niyog.
Inihayag ng bise alkalde na mas mabuti na lamang na nataon ang pagbaha sa araw kaya mas mabilis ang paglikas ng mga biktima at pag-rescue ng risk disaster team ng siyudad.
Sinabi ni Vera Cruz, ang ilang oras na pagbuhos ng malakas na pag-ulan na sinabayan umano nang pagtama ng buhawe ang nagpatindi sa pagbaha na umapaw sa ilog na pinagkukunan ng inuming tubig ang dahilan na nagambala ang mga residente.