Nakatakdang i-relocate ngayong lingo ang kabuuang 97 Pilipino mula sa Mandalay patungo sa Yangon.
Ang Mandalay ang pinaka-apektadong lugar sa Myanmar, kasunod ng magnitude 7.7 na lindol na tumama nitong nakalipas na lingo.
Sa naturang lugar, mayroong 171 Pinoy na naitalang nakatira, at 97 sa kanila ang una nang huminging mailipat sa mas ligtas na lugar sa Myanmar.
Ayon kay Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo De Vega, bago matapos ang lingong ito ay inaasahang maililipat na sila sa Yangon sa tulong na rin ng embahada ng Pilipinas sa naturang bansa.
Inaayos na rin ng embahada ang mga bus na maaaring masakyan ng mga Pilipino patungo sa Yangon; gayonpaman, wala pang partikular na araw kung kailan masisimulan ang paglilipat sa kanila.
Sa ngayon, isang Pilipino pa lamang ang humihiling ng repatriation, ilang araw matapos ang malakas na pagyanig.
Ayon kay de Vega, babalikatin ng pamahalaan ng Pilipinas ang magagastos kapwa sa isasagawang repatriation at sa paglilipat sa mga Pinoy. Maging ang babayaran sa gagamiting shelter para sa mga ililipat na Pilipino ay babalikatin din ng pamahalaan.
Magbibigay din aniya ang pamahalaan ng financial assistance para sa mga Pinoy na naapektuhan sa malakas na lindol.