Aabot sa 239% ang nabawas sa siksikan sa mga prison facilities na pinangangasiwaan ng BuCor kabilang na rito ang New Bilibid Prison.
Ito ang kinumpirma ng Department of Justice sa mga kawani ng media.
Ang nasabing bilang ay katumbas ng halos 12,000 na mga PDLs na pinalaya mula pa noong 2022.
Ayon sa DOJ, nananatiling hamon ang congestion sa mga piitan sa bansa ngunit sa panahon ng administrasyong Marcos Jr. ay nakapagpalaya na ito ng 11, 940 inmate matapos ang masusing review sa mga record ng mga bilanggo.
Paliwanag ni DOJ Undersecretary Jesse Andres, malaking kabawasan ang halos 239% mula ng maupo si PBBM.
Ani Andres , ang BuCor ay nagpapalaya ng humigit-kumulang 400 preso buwan-buwan na nakakumpleto ng maximum prison sentence, naabsuwelto, nabigyan ng parole o nabigyan ng executive clemency.
Ang NBP naman at ang anim na iba pang operating prison at penal farms sa bansa ay mayroong mahigit 50,000 preso, bagama’t ang kanilang kabuuang kapasidad ay nasa 12,000 lamang.