-- Advertisements --
Vatican rome Italy
Empty crowd at St. Peter’s Square

CAUAYAN CITY – Umapela sa pamahalaan ang 137 na distressed OFW’s sa bansang Italy na mapauwi sila ng Pilipinas sa lalong madaling panahon.

Nagtatag ng OFW Watch ang mga Pilipino sa Italy para sa mga valid information at makakuha sila ng mga datos tungkol sa mga na-displace sa kanilang trabaho at malaman kung ilan na ang mga Filipino na tinamaan ng Coronavirus Disease (COVID-19) at nasawi.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Rhoderick Ople, pangulo ng OFW Watch, sinabi niya na laman din ng kanilang rekomendasyon sa Department of Foreign Affairs (DFA), Department of Labor and Employment (DOLE), at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) noong Marso 11 ay mapabilis ang pagsasaayos ng financial assistance sa mga OFW na nawalan ng trabaho.

Aniya, umabot sa 137 na OFW sa Italy ang humihiling ng tulong sa pamahalaan na makauwi sa Pilipinas dahil wala na silang trabaho.

Ayon kay Ople, batay sa report ni Nunieta Adena, pangulo ng Filipino Community sa Genoa at officer ng OWWA, may 30 Filipino ang tinamaan ng COVID-19 at pinakamarami sa Milan, Rome, Bergamo, Parma, at Florence.

Mayroon na ring tatlong Filipino ang nasawi at isa pa ang patuloy na nagpapalakas.

Sinusunog aniya ang bangkay ng mga namatay sa COVID-19 dahil mapanganib na makahawa sila.

Ang abo nila ay ibinibigay sa kanilang pamilya.

Ang mga nasawing Pilipino ay may kamag-anak sa Italy na siyang nakikipag-ugnayan sa kanilang pamilya sa Pilipinas.