Halos 1,400 pamilya ang lumikas sa kani kanilang tahanan sa takot na maipit sa operasyon ng militar sa Lanao del Sur.
Sa ulat ng provincial government nasa 1,391 pamilya ang nagsilikas sa karatig barangays at munisipalidad.
Ayon kay Gov. Bedjoria Soraya Alonto Adiong ang 927 dito ay home-based at ang 464 ay nananatili sa ibat ibang evacuation centers na matatagpuan sa bayan ng Tubaran at Binidayan.
Ipinag utos na rin ni Adiong sa mga kaukulang provincial offices na bigyan ng kaukulang tulong ang mga internally displaced persons.
Limang araw na ang nakakalipas ng ilunsad ng militar ang kanilang operasyon laban sa teroristang Maute-ISIS sa pamumuno ni Abu Dar sa may Barangay Diampaca sa bayan ng Tubaran.
Kumalat ang labanan nuong linggo na naging dahilan sa pagpatay sa isang barangay chairman dahil tumanggi itong makapasok sa kaniyang lugar ang mga teroristang grupo.
Pinayuhan naman ng gobernadora ang mga sibilyan na maging kalmado subalit maging alerto din.
Hiling din ng opisyal sa security sector na tiyakin ang kaligtasan ng mga sibilyan.