-- Advertisements --

LAOAG CITY – Aabot sa 15 ektaryang kabundukan sa bahagi ng Solsona-Apayao road ang apektado sa nangyaring forest fire.

Ayon kay Fire Chief Inspector Claire Simbol, Acting Fire Marshal ng Bureau of Fire Protection sa Ilocos Norte, malakas ang hangin sa nasabing lugar dahilan para mabilis rin ang pagkalat ng apoy.

Dahil sa laki ng apoy, tulong-tulong ang mga bombero mula sa mga bayan ng Dingras, Banna, Marcos, Nueva Era, Bacarra, Laoag City, Batac City at Ilocos Norte Water District Water Truck.

Tumulong rin ang Philippine Airforce para sa aerial response kung saan ang tubig na nagamit para sa pag-apula ng apoy ay mula sa dam sa bayan ng Piddig at sa Paoay lake ngunit hindi rin tumagal ang helicopter dahil sa lakas ng hangin.

Nabatid na ipinaalam na rin ito kay Gov. Matthew Marcos Manotoc ay isinagawa rin na rin ang emergency meeting kasama ang Philippine Airforce.

Una nang sinabi ni Solsona Vice Mayor Jonathan De Lara na posibleng sinadiya ang nasabing sunog ngunit sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang isinasagawang imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP) sa lalawigan para malaman kung ano ang pinagmulan ng forest fire.

Samantala, magpapalabas naman ng executive order si Solsona Mayor Joseph De Lara kung saan ang mga turistang pupunta sa lugar ay huwag magdala ng mga bagay na puwedeng pagmulan ng sunog.

Ipinaalala na rin ng alkalde sa publiko na dapat protektahan ang mga bundok.