-- Advertisements --

BUTUAN CITY – Nakarating na sa lungsod ng Butuan ang 1,480 na mga vials o 14,800 doses ng AstraZeneca vaccine na sinalubong naman ng mga opisyal ng Department of Health-Caraga sa pangunguna ni regional director Dr. Jose Llacuna Jr.

Kaagad itong dinala sa kanilang storage facility sa warehouse nila sa Barangay Doongan.

Ayon kay Dr. Llacuna, suwerte ang rehiyon na nabigyan ng limitadong supply ng bakuna na ituturok sa 7,400 mga senior healthcare workers nitong rehiyon.

Sa isinagawang press briefing, inihayag ng opisyal na sisimulan ang rollout ng bakuna sakaling matapos na ang pagtuturok ng mga Sinovac vaccines kung saan sa ngayon ay umabot na sa 1,400 mga healthcare frontliners ang naturukan nito.

Dagdag pa ng opisyal, kung may sobra ay hihingi sila ng permiso sa kanilang sentrong tanggapan upang mabigyan ng listahan kung sino-sino ang susunod na tuturukan sa AstraZeneca vaccines.