Halos 15,000 na transgender, tatanggalin sa US military sa pag-upo ni president-elect Donald Trump
KALIBO, Aklan — Walang ititirang transgender si President-elect Donald Trump sa kanyang pwersang militar.
Ayon kay Bombo International Correspondent Pinoy Gonzales ng Texas, USA na tinatayang 15,000 na transgender ang tatanggalin sa US military, kahit matagal na serbisyo, mataas o mababa ang ranggo.
Ipatutupad aniya ito sa pamamagitan ng isang executive order simula sa Enero 20, 2025 sa araw ng kanyang pag-upo sa pwesto.
Nauna itong ipinatupad ni Trump sa kanyang unang termino noong 2019 subalit binago ang naturang patakaran ng pumalit sa kanya si President Joe Biden.
Duda umano si Trump sa katatagan ng mga transgender lalo na sa matinding pressure sa digmaan at paggawa ng mga desisyon.
Malaki aniya ang posibilidad na may mga madamay na Pinoy transgender sa patakaran ni Trump.
Sa kabilang daku, balak rin ni Trump sa kanyang pagbalik sa White House ang malawakang hakbang sa immigration o pagpapa-deport sa lahat ng mga iligal na naninirahan sa US.
Kasama dito ang nasa 370,000 na Pinoy.