-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umaabot na sa halos 16,000 ang mga apektadong pamilya sa bayan ng Pikit, North Cotabato dulot ng malawakang pananalasa ng tubig baha sa nakalipas na mga araw.

Ito ang kinumpirma ni Engr. Arnulfo Villaruz, ang operations head ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office-North Cotabato sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.

Ayon kay Villaruz, maliban sa Pikit, mahigit 2,000 pamilya rin ang apektado ng pagbaha sa bayan ng Kabacan kung saan nadagdagan ng 9 na barangay ang apektado ng kalamidad.

Naglabas na rin ng tubig ang Pulangi Hydroelectric Plant dahil puno na ito, dahilan na tumaas pa lalo ang lebel ng tubig sa mga sinalantang lugar.

Samantala, patuloy pa rin ang search operations sa 44 anyos na lalaki sa bayan ng Mlang matapos itong inanod ng tubig-baha matapos sinubukan nitong tumawid.

Nagpapatuloy pa rin ang kanilang rescue at relief efforts at pamimigay ng ayuda sa mga apektadong mga residente na nananatili ngayon sa mga evacuation centers.