Inaprubahan na ng Department of Budget and Management ang kabuuang 178 public attorney (PA) positions sa ilalim ng Department of Justice.
Ito ay binubuo ng 56 Public Attorney II at 122 Public Attorney I sa ilalim ng Public Attorney’s Office (PAO). Ang mga naturang posisyon ay mangangailangan ng P336 million kada taon.
Ayon kay Budget Secretary Amenah F. Pangandaman, ang mga bagong Public Attorney positions ay tiyak na makakatulong upang gawing mas episyente at epektibo ang serbisyo ng PAO sa publiko.
Makakatulong aniya ito upang masigurong bawat Pilipino, anuman ang katayuan sa buhay, ay may maayos na access sa pagkamit ng hustisya at makakuha ng legal representation na nararapat para sa kanila.
Samantala, batay sa datus ng PAO, nagawa nitong humawak ng hanggang 787,124 cases at na-asistehan ang hanggang 849,914 na kliyento noong 2021.
Mula sa halos 850,000 kliyente, tumaas ito noong 2022 at naging 900,079.
Ayon kay Sec. Pangandaman, ang mga bagong PA position ay itatalaga sa mga district office ng PAO sa bawat rehiyon.