-- Advertisements --

Mahigit 900 na mga indibidwal sa lansangan ang natulungan ng DSWD sa pamamagitan ng Oplan pag-abot program nito.

Nasa kabuuang 973 na mga indibidwal na naninirahan at nananatili sa lansangan ang tinulungan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) mula nang ilunsad ang DSWD Oplan Pag-Abot nitong Hunyo 2023.

Sa pinakahuling tala ng ahensya, naabot nito ang 425 miyembro ng pamilya at 528 unattached na indibidwal, kabilang ang mga bata at senior citizen, mula sa iba’t ibang lugar sa Metro Manila.

Aniya, ang DSWD ay mayroong 13 team na naglilibot sa Metro Manila para abutin ang mga pamilya at indibidwal na naninirahan sa lansangan, kabilang ang mga bata, at protektahan sila mula sa mga panganib.

Ang mga naaabot na indibidwal at pamilya ay dadaan sa isang inisyal na pagsusuri na kinabibilangan ng pagpaparehistro para sa PhilSys at biometrics.

Kaugnay niyan matatandaan din na inilunsad ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang “Pag-Abot sa Pasko,” o ang mga special operation ng ahensiya para sa mga pamilya at indibidwal na nasa lansangan.

Ang nasabing special reach out program ay tatakbo hanggang Disyembre 31 upang magbigay at magpaabot ng tulong sa mga mahihina at nasa panganib na pamilya at indibidwal sa panahon ng Pasko.