Pinalaya ng Bureau of Corrections (BuCor) ang 985 persons deprived of liberty (PDLs) mula sa iba’t ibang kulungan at penal farm sa bansa.
Ayon sa BuCor, umabot sa 11,000 ang kabuuang bilang ng mga inilabas na PDL mula nang maupo sa pwesto si Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.
Lumabas din sa datos ng ahensya na sa mga inilabas na PDL, 232 ang pinakawalan mula sa maximum security compound ng New Bilibid Prison (NBP), 238 ay mula sa NBP medium security compound, at 51 ay mula sa NBP minimum security compound.
May kabuuang 156 PDLs din ang pinalaya mula sa Davao Prison and Penal Farm habang 90 naman ang pinalaya mula sa Correctional Institution for Women.
Samantala, sinabi ni BuCor Director General Gregorio Catapang Jr. na ang mga pinalaya ay naabsuwelto, naabot ang kanilang maximum sentence, o nabigyan ng probation o parole.
Sinabi niya na ang BuCor ay nakikipagtulungan din sa Board of Pardons at Parole para mapabilis ang pagpapalabas ng mga PDL.
Inutusan din ni Catapang ang legal team ng ahensya na tingnan ang iba pang legal remedies na maaaring mapabilis ang pagpapalaya sa mga PDL na nakapagsilbi na sa kanilang maximum sentence.