-- Advertisements --

Tinatayang nasa 1,800 4Ps beneficiaries ang nakiisa sa programang Trabaho at Serbisyong Pangkalusugan sa Bagong Pilipinas sa Antiplo City, Rizal.

Ang nasabing programa ay pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Hatid ng programa ang serbisyong pampubliko, pangkabuhayan at pangkalusugan mula sa ibat ibang ahensiya ng pamahalaan gaya ng DSWD, DOLE, DOH, DA at iba pang ahensya.

Nais ni Pang. Ferdinand Marcos na ilapit sa ating mga kababayan ang mga programa at mga serbisyo ng gobyerno.

Iniinspeksyon ng Pangulo ang medical mission ng Department of Health (DOH) kung saan nasaksihan niya ang pamamahagi ng iba’t ibang anti-dengue commodities at inoobserbahan ang mga serbisyong medikal na ibinibigay tulad ng screening laboratories, X-rays, electrocardiograms (ECG), vaccination para sa pneumonia, medical consultations at pagbibigay ng mga gamot.

Nilibot din ng Pangulo ang job fair na inorganisa ng Department of Labor and Employment (DOLE) kung saan may mga bakanteng trabaho ang mga naghahanap ng trabaho na benepisyaryo ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program at tulong pinansyal sa mga benepisyaryo ng AICS at maging sa Pantawid Pamilyang Pilipino Program o 4Ps ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ang DOLE naman ay namamahagi ng iba’t ibang Integrated Livelihood Program (ILP) packages sa ilang benepisyaryo at nagsasagawa ng oryentasyon sa isa pang hanay ng mga tatanggap sa ilalim ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers o TUPAD program.