GENERAL SANTOS CITY – Nasa halos P2 million halaga ng cocaine na narekober sa isang container van sa isang container yard sa Malok Brgy. Labangal nitong lungsod.
Sa panayam ng Bombo Radyo GenSan, sinabi ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA-12) spokeswoman Kat Abad nagkakahalaga ng P1.8 million ang naturang cocaine.
Nakatanggap sila ng report tungkol sa iligal na droga nang madiskubre ng technician habang nagkukumpuni ng aircon compartment ng container van.
Nang kanilang ipinasuri sa laboratoryo ay nakumpirma na ito ay cocaine at lumabas na may bigat na 336.8 grams.
Aniya, 60 container van ang isinailalim sa inspeksyon ngunit isa lang ang mayroong narekober na bloke ng cocaine.
Nalaman ng PDEA na dumating ang mga container van sa GenSan upang ipakumpuni na gagamitin ng isang malaking kompaniya.
Nagmula pa umano ito sa Singapore, na bago nakarating sa lungsod ay dumaan pa ng Davao City.
Inaalam na ngayon ng PDEA ang may-ari ng naturang cocaine at kung paano ito naipuslit.