VIGAN CITY – Wala umanong target na bilang ng mga magpaparehistrong botante ang Commission on Elections (Comelec) para sa pinaghahandaang barangay at sangguniang kabataan elections.
Ngunit, inaasahan umano ng Comelec na aabot sa 1.5-milyon ang bilang ng mga magpaparehistrong botante na edad 18 hanggang 30.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Vigan, sinabi ni Comelec spokesman James Jimenez na 1.2 milyon ang bilang ng mga inaasahang magpaparehistrong botante na edad 15 hanggang 17 para sa SK elections.
Ang nasabing bilang ay base na rin sa pahayag ng Philippine Statistics Authority (PSA).
Ayon kay Jimenez, inaasahan din umano nila na hindi tatamarin o hindi magpaparehistro ang mga bagong botante para sa nasabing halalan dahil sa mga nauna nang pahayag na ipagpapaliban ito sa 2022 sa halip na isagawa na ito sa May 2020.
Una nang inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kaniyang ika-apat na State of the Nation Address na ipagpaliban muna ang halalan sa susunod na taon nang sa gayon ay mabigyan pa ng pagkakataon ang mga barangay at SK officials na ipatupad ang kanilang mga plano sa kani-kanilang lugar na nasasakupan.