-- Advertisements --
image 173

Ibinunyag ng Food and Drugs Administration (FDA) na nasa halos 20 adverse effect ang naitala mula sa isang iron syrup supplement para sa mga bata na ‘Sangobion kids’ mahigit dalawang linggo matapos na magbabala ang ahensiya laban sa pagkonsumo at pagbebenta nito na nakitaan ng toxic substance.

Sa inilabas na statement ng FDA, sinabi nito na ang pangunahing side effects na naitala ay pagsusuka, diarrhea, pagbaba ng gana, pananakit ng tiyan at pamumutla o maputlang kulay ng balat. Bagamat wala namang napaulat na life-threatening symptoms.

Nakatakda namang i-account ng local importer na Procter & Gamble ang natitirang halos 291,729 bote mula sa kabuuang 426,756 bote ng nasabing syrup na inangkat mula sa Indonesia.

Iniulat naman ng retailer at distributor ng naturang syrup sa FDA na nasa halos 34,660 bote ng syrup ang kanilang tinanggal.

Matatandaan noong Disyembre 21 ng nakalipas na taon, nagbabala ang FDA sa pagbebenta at pagkonsumo ng Sangobion kids matapos na madetect ang ethylene glycol na isang chemical na nakakalason sa tao kapag nakakonsumo ng mataas na doses.