-- Advertisements --

KORONADAL CITY – Umabot na ngayon sa halos 5000 pamilya mula sa labing pitong (17) barangay sa bayan ng Pigcawayan, North Cotabato ang lubog ngayon sa malawakang tubig-baha dahil sa patuloy na pagbuhos ng malakas na ulan dulot ng Southwest monsoon.

Ito ang inihayag ni Ms. Joriemae Balmediano, information officer ng Office of the Civil Defense o OCD-12 sa panayam ng Bombo Radyo Koronadal.
Ayon kay Balmediano, sa nasabing bilang nasa higit 500 pamilya ang lumikas at nanatili ngayon sa Municipal Gym at mga covered courts na ginawang pansamantalang evacuation centers.

Maliban dito may mga bahay din na nasira, mga pananim, at hayop na inanod ng lampas baywang na baha.

Naitala din ang pagkasira ng mga tulay na hindi na madaanan kung saan na-stranded din ang mga motorista dulot ng baha.

Agad naman na namigay ng food at non-food items ang local government unit (LGU) kasama ang DSWD sa mga apektadong pamilya.

Ngunit, nagpapatuloy sa ngayong ang assessment sa kabuuang pinsala ng pagbaha sa kabahayan, pangkabuhayan, agrikultra at imprastraktura.

Patuloy din na pinapaalerto ng OCD-12 ang mga residente na nakartira sa mga low lying areas na maging vigilante at alerto upang agad makalikas bago pa lumala ang sitwasyon.