Kinumpirma ng Jimalalud Police station na aabot sa 18 mga senior high school students ang umano’y sinapian ng masamang espiritu kahapon, Hunyo 5 sa isang paaralan sa bayan ng Jimalalud Negros Oriental.
Sa eksklusibong panayam ng Star Fm Cebu kay PCMS Arnold Estoconing, sinabi nitong dahil sa insidente ay temporaryong sinuspinde ang klase ng di na pinangalanang paaralan maging ang pasok ng elementarya na nasa tapat lang nito dahil sa takot ng mga magulang at guro.
Base sa kanilang inisyal na imbestigasyon, noong Biyernes ng hapon pa lang ay naobserbahan na nilang iba ang kinikilos ng isang babaeng estudyante kung saan tumatawa at umiiyak itong mag-isa.
Normal lang umano ang kinikilos ng estudyante sa kanilang bahay pagsapit ng weekend kaya hindi na nagtaka ang magulang at hinayaan na itong pumasok kahapon.
Pero nang napansin na muli na namang nag-iba ang kilos nito sa paaralan, napagdesisyunan ng faculty na pauwiin nalang sa kanila.
Ngunit nang paalis na ito ay bigla nalang nawala sa sarili ang iba pang mga mag-aaral, sumisigaw, galit ang mga mukha at hindi na mapigilan ang lakas ng mga ito.
Sa kanila namang pagtatanong, sinabi ni Estoconing na ibinunyag pa ng babaeng estudyanteng unang sinapian na bago nag-iba ang kinikilos nito ay tatlong beses sa magkahiwalay na araw umano siyang pinakita ng isang babaeng nakaputi at duguan ang kamay na may kasamang dalawang lalaking malalaki ang katawan.
Dagdag pa na unang pinakita umano ito noong ikalawang linggo ng Mayo sa kanilang Girl Scout camping at lagi din umano itong nanonood ng mga horror movies at matagal pa umanong matutulog.
Kasunod ng insidente, panic at may takot ang nararamdaman ng mga magulang para sa kanilang mga anak at ibinunyag naman umano ng tauhan ng paaralan na may inimbitahan silang pari na magtaboy sa mga masasamang espiritu.