Patuloy pa ring iniimbestigahan ng Pasay Bureau of Fire Protection (BFP) at ng Manila International Airport Authority Fire (MIAA) Department ang sanhi ng sunog sa NAIA T3 parking lot na tumupok sa 19 sasakyan.
Ayon kay PNP-ABSEGROUP Director PBGen. Christopher Abrahano, iniimbestigahan na rin ng Aviation Security Group ang insidente.
Ito umano ang unang beses na nasunog ang maraming bilang ng kotse sa naturang parking lot, posibleng nakikitang dahilan o pinagmulan ng sunog kaninang 1:30 pm ang matinding init ng panahaon o di kaya ay grass fire.
Ayon pa kay PBGen. Abrahano, batay sa mga nakasaksi, nagsimula ang sunog sa isang black fortuner at nadamay ang mga katabing sasakyan. Tustado na ang ilan, wala ng mga salamin at hindi na rin makita ang plate number dahil napulbos na rin ang plaka.
Samantala, inaalam na rin kung may malapit na cctv sa pinangyarihan ng sunog na makakatulong sa imbestigasyon.
2:00 pm naman ang fire out at ngayon ay kontrolado na ang lugar, may mga pulis na rin na nakabantay sa parking lot.
At dahil hindi na rin makita ang plate number ng mga sasakyan, nanawagan ang pamunuan ng paliparan sa mga empleyado maging sa mga pasahero na puntahan ang parking lot at tingnan kung kabilang ang kanilang mga sasakyan sa nasunog.