Umaabot sa halos 20 lokal na pamahalaan sa bansa ang nagdeklara ng state of calamity dahil sa El Niño phenomenon.
Kabilang sa mga lugar na ito ay ang Oriental Mindoro, at ilang munisipalidad sa Occidental Mindoro, Palawan, Romblon, Ifugao, Antique, at Zamboanga City.
Ayon kay Task force spokesperson Joey Villarama, may iba pang mga lalawigan ang napaplano na ring magdeklara ng state of calamity dahil sa epekto ng naturang weather phenomenon pero dapat na pasok aniya sa criteria.
Kung saan dapat 15% ng populasyon sa kanilang lugar ang apektado gayundin 30% ng kanilang kabuhayan ang apektado at may mga struktura din ang naapektuhan.
Samantala, base sa datos ng Department of Agriculture, pumalo na sa P2.63 billion ang halaga ng pinsala sa sektor ng agrikultura dahil sa El nino.
Bilang tugon naman ayon kay Villarama nakapaghatid na ang gobyerno ng P1.1 billion halaga ng tulong pinansiyal, gas assistance, food packs at equipment para sa mga magsasaka at pamilyang apektado ng El Nino.