GENERAL SANTOS CITY – Mahaharap sa patung-patong na kaso ang 16 “fake” Armed Forces of the Philippines (AFP) reservists matapos madakip ng mga otoridad dahil sa panloloko sa kasagsagan ng krisis dulot ng coronavirus disease 2019.
Ayon kay PCol. Aden Lagradante, city police director ng lungsod ng General Santos, na nakakulong ngayon ang mga suspek at may nakahanda nang kaso para rito na usurpation of authority at official functions under Articles 177 at 179 ng Revised Penal Code.
Nagpakilala umanong mga AFP reservists ang mga nahuli at nagpanggap na sila’y idineploy upang magbigay umano ng seguridad sa relief supplies na nasa Lagao gymnasium.
Aniya, wala namang dalang mga baril ang mga suspects ngunit nakasuot ang mga ito ng Army camouflage uniforms.
Ngunit sa ginawang beripikasyon ng mga otoridad walang naipakitang “letter order” ang mga suspect na nagpapatunay sa kanilang deployment matapos na nagpakilalang Army reservists sa ilalim ng AFP Special Operations Command (Socom) kaya’t hinuli.
Kinilala ang mga suspects na sina Ermo Zonio, 32, ng Roca subdivision, Barangay Apopong; Arnel Marquizo, 38, ng Purok 19, Barangay Lagao; William Cinco, 63, ng Barangay Fatima; Bernabe Marquizo, 48, ng Purok 19, Barangay Lagao; Lemuel Calago, 55, ng Purok Tusaville, Barangay San Isidro; Francis Alvin Cinco, 30, ng Barangay Fatima; Jerwin Balabat, 32, ng Purok Kulasi, Barangay Labangal; Bennie Priscellas, 36; Danilo Fregoner, 58; Ricky Espinosa, 33, ng Barangay Calumpang; Rolly Mending, 48, ng Barangay Apopong; Joseph Solas, 40, ng Polomolok, South Cotabato; Rodolfo Paderes, 63; Albert Cinco, ng Barangay Fatima; George Lorenzo, 56, ng Barangay Mabuhay; at Conrado Castrudes Jr., 37, ng Purok Crisostomo, Barangay Calumpang GenSan.
Nalaman rin na ang identification cards ipinakita ng mga suspect ay gawa-gawa lamang.
Samantala, kinumpirma ni Col. Eduardo Gubat, commander ng Joint Task Force-GenSan, na ang 16 suspects ay hindi bahagi ng reserved unit Philippine Army o AFP.