KORONADAL CITY – Umabot na sa halos 20 ang binawian ng buhay sa nagpapatuloy na air at ground assault operations ng miltar laban sa Daesh-Inspired -Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) sa Maguindanao.
Sa nasabing bilang 14 ang nasawi mula sa BIFF habang apat naman sa mga sundalo .
Ayon kay Western Mindanao Command Spokesperson Major Arvin Encinas, isinagawa ng militar ang operasyon sa pinagkukutaan ng ekstremistrang grupo sa mga bayan ng Shariff Aguak, Datu Saudi, Mamasapano at Salibo, sa Maguindanao.
Dalawa sa mga nasawing sundalo ay nakilalang sina Private First Class Dexter Hierro at Private First Class Willy Tingson ng Army’s 57th Infantry Battalion habang anim na iba pa ang sugatan na kasalukuyang ginagamot sa ospital.
Ang opensiba laban sa BIFF ay inilunsad ng tropa ng Joint Task Force Central upang mapigilan ang plano ng grupo na paghahasik ng terorismo sa Central Mindanao.
Aniya, lima sa mga nasawing miembro ng BIFF ay narekober ang mga bangkay sa encounter site habang ang iba ay binitbit ng mga kasamahan sa pagtakas.
Maliban dito, narekober din ng militar ang inabandonang IED Factory sa Barangay Salman, Ampatuan, Maguindanao kabilang na ang mga sangkap sa paggawa ng bomba at iba pang war materials.