-- Advertisements --

LAOAG CITY – Haharap ngayon sa patong-patong na kaso ang mga opisyal ng SPVTOP International Inc. matapos magsampa ng reklamo ang mga biktima ng nasabing investment company.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Agent Gerald Butale ng National Bureau of Investigation (NBI) sa lungsod ng Laoag, halos 20 na biktima ang lumapit sa kanilang tanggapan para magreklamo.

Ayon sa salaysay ng mga biktima, noong una ay nakakatanggap pa rin sila ng pera mula sa kanilang investment ngunit noong buwan ng Setyembre at Oktubre ay tumalbog ang kanilang tseke at nangako na naman ang kompanya na magbabayad sila hanggang noong Oktubre 15.

Subalit sinabi ng mga ito na hindi naman sila nakatanggap ng bayad at hindi na umano nila ma-contact ang kanilang recruiter dahilan para dumulog sa tanggapan ng NBI ang mga biktima at naghain ng reklamo.

Inihayag pa ni Butale na kinumpirma ng Security and Exchange Commission (SEC) na hindi otorisado ang naturang kompanya at wala itong sapat na dokumento.

Samantala, kabilang sa mga nabiktima a si Police Executive Master Sergeant Diomedes Ancheta, taga Claveria, Cagayan at nakabase sa Bangui-PNP dito sa lalawigan ng Ilocos Norte.

Dagdag nito na nakapag-invest ang naturang opisyal ng PNP na higit isang milyong piso.