DAGUPAN CITY – Kinumpirma ng Commission on Higher Education (CHEd) Region 1 na magtataas ng matrikula o tuition ang ilang private universities and colleges sa Rehiyon 1 kasabay ng pagpasok ng School Year 2019-2020.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay CHEd Region1 spokesperson Danilo Bose, sinabi nito na may mga pribadong unibersidad at kolehiyo aniya ang lumapit sa kanilang tanggapan upang humiling ng tuition fee increase.
Pinag-aralan naman umano ito ng komisyon at dahil nakasunod sa guidelines ng CHEd ay naaprubahan nila ang hirit na taas matrikula ng 17 private universities and colleges.
Inihayag naman ni Bose na walang dapat ipangamba ang publiko lalo na ang mga nagpapaaral na magulang dahil ang 17 ay katumbas lamang ng 18.28 percent sa kabuuang bilang na 93 eskwelahan sa Rehiyon 1.
Paliwanag pa ng CHEd official na may karapatan ang mga pribadong kolehiyo at unibersidad na magtaas ng kanilang tuition fee lalo na’t dito lamang sila umaasa sa pagpapasahod ng kanilang mga guro o faculty staffs.