-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Ginagamot na sa ospital ang 13 katao na sakay ng isang kuliglig o hand tractor na may trailer na nabangga kagabi ng isang pickup sa San Luis, Roxas, Isabela.

Kabilang sa mga nasugatan ang kuliglig driver na si Gerald Bueno, gayundin sina Carmelita Marquez, 43-anyos; Ayexa Stefanie Bueno, 5; at Adelaida Dumaguing, 64, pawang mga residente ng Lanting, Roxas, Isabela.

Ang iba pang nasugatan ay nagngangalang Christel Mae Fernandez, 13-anyos; Valerie Fernandez, 10; Rosalina Baraya, 74; Vilma Alejandro, 46; Jhasey Curameng, 7; Jovy Curameng, 6, pawang residente ng San Luis, Roxas, Isabela; Grace Castillo, 30, Althea Castillo, 2, kapwa residente ng Luttuad, Diffun, Quirino; at si Gemalyn Dulnuan, 33, residente ng Simmanongon Norte, San Pablo, Isabela.

Ang driver naman ng Hilux ay isang Jose Ramil, nagtatrabaho bilang animal production specialist ng isang malaking kompanya at taga-Bulanao Norte, Tabuk City, Kalinga.

Sa imbestigasyon ng Roxas Police Station, patungong town proper ng Roxas, Isabela ang dalawang sasakyan, nang masalpok ng pickup ang likurang bahagi ng sinusundang kuliglig na nauwi sa pagkasugat ng mga biktima.

Sila ay dinala sa Manuel A. Roxas District Hospital ng mga tumugon na kasapi ng Rescue 333 para malapatan ng lunas.